Monday, April 30, 2012

Malayo Man Ay Malapit Din

I
Minsan lang kitang masilayan
At kahit sa webcam lang,
Para na akong saranggola
Kasama ng himpapawid at alapaap.

II
Wala sa hinuha na ikaw ay masaktan
Dangan nga din lamang
na mahina ako sa mga maligno
at kagawaran ng teknolohiya

Hiling ko pa rin na masilayan ang iyong larawan
Hahayaan mo bang malunod ang kulisap sa karimlan
Nang hindi ka man lang nasilayan?

III
'Di ko ninais tawaging makabagong bayani
At mapalayo sa'yo aking mahal
Datapwa't hindi ko makakaya
ang kayo'y magdildil ng asin
At mag-ulam ng galunggong na tinapa

IV
Paano ang gagawin ng isang pusong nag-iisa
Sa nakabibinging katahimikan
ng apat na sulok na kwarto?
Parang baga itong silid-aklatang malamig
na naghihintay marinig ang iyong tinig.

V
Hanggang sa muli nating pagkikita aking mahal:
Ang pagyapak ng aking paa sa damuhan ng Pilipinas na aking inaasam.

Nawa ay naligayahan ka aking sinta
Dahil bagaman tayo ay nagkalayo, 
Pinaglapit naman tayo ng panitikang
Pag-ibig ang tanging laman.

VI
At hangad ko ang pagdating ng araw
Na hindi na mamumutawi pa sa iyong mga labi
Ang salitang paalam.

4 comments:

  1. pakilink po ng entry na to sa contest proper. salamat

    ReplyDelete
  2. Tula ng mga makabagong bayani. Buti na lang may internet.
    Ang pananabik ay natitighaw kahit papano.

    ReplyDelete
  3. Nagbasa. Humusga. Darating din ang pagbabalik. Good luck sa entry.

    ReplyDelete